Thursday, March 15, 2012

ANG KAMALAYAN*


Wala akong kamalay-malay na mayroon pa palang konsepto ng pamamahayag sa pinakamamahal kong paaralan [noong hayskul] hanggang ngayon. Kahapon lang ako nagkaroon ng mahaba-habang oras para tignan ang ilang piraso ng papel na inuwi ng kapatid ko noong isang gabi: ang kanilang pahayagan. Hindi naman sa hinahamak ko ang kasalukuyang henerasyon ng mga estudyante—lalo na ang pamahalaan ng aking eskwelahan—nagulat lang talaga ako. Sa katunayan ay napahanga pa nila ako; ‘di ko mapigilang makaramdam ng pagmamalaki para sa dyaryong ito.
Kung kaya’t naiinis ako nang sobra. Nakakahiyang wala akong alam tungkol dito. Naaasar ako sa sarili ko dahil ni hindi ko magawang magawi sa MCHS para makibalita. Sa tuwing naiisipan ko kasing dumaan para mangumusta, ‘di ko na lang itinutuloy sapagkat wala naman akong oras para magtagal—ayokong mabitin, baka makasira lang ako ng araw ng iba. Ayoko mang isipin nilang nagpapaimportante ako sa oras, pero ni wala nga akong panahong magsuklay. Ang  ibang paraan naman ng pakikipag-ugnayan tulad ng pagte-text at pagpe-facebook ay sobrang kinatatamaran ko. Maniwala sila’t sa hindi, literal ko lang na pahingahan ang facebook kung hindi man ako makikipag-ugnayan sa mga grupong may kinalaman sa akademyang kinabibilangan ko. 
Kaya gayun na nga, nabigla ako at nakakita ako ng dyaryong mula at gawa sa hayskul na pinanggalingan ko. Kung hindi ako nagkakamali, tatlong taon na noong huling naging aktibo sa journalism ang MCHS. Ako ang punong-patnugot nang mga panahong iyon. At nakakamangha ang mga kaibahan ng mga bagay-bagay noon at ngayon. ‘Naka-broadsheet sila,’ unang kong nasabi. Naisip ko na maharil ay hindi nila halos ikamatay ang paglilikom ng pondo tulad namin noon. Malamang ay mas maraming sumoportang mga magulang at estudyante sa kanila. Nakikita ko ring mas maigi silang nagabayan ng mga guro sa pagkakataon ito. Nakakainggit.
Ang pinakahalatang kaibahan—subalit hindi ko agad napuna—ay ang wikang kanilang ginamit. Sabihin mo ang lahat ng gusto mong sabihin ngunit bihirang-bihira akong magbasa at magsulat ng kahit ano sa wikang Filipino. Sa katunayan, magdadalwang oras ko nang sinusulat ito sa sobrang hirap pumili ng mga salitang maari kong gamitin upang maisalaysay ko ang aking mga pananaw nang eksakto at konkreto. Hindi ako hirap managalog; ‘di na lang talaga ako sanay rito sapagkat mula nang magkolehiyo ako, lahat ng kursong kinukuha ko ay Ingles ang pagpapanuto. At mabalik tayo sa usapan, Ingles ang dyaryong inilathala naming noong panahon ko, ang Clarian Quill. (Huwag na huwag kang maghahanap ng kopya niyon, madidismaya ka lamang sa aming mga bumuo noon.) Hindi nga ako pamilyar sa mga batayan at istilo ng pagsusulat sa wikang ito. Nakakapanibago rin ang pangkalahatang dibuho.
Ngunit napapangiti pa rin ako habang sinusuri (pasensya na, hindi ko masyadong binasa) ko ang bawat pahina. Napagtanto kong may mga problema talaga laging nakatali sa bokasyon ng pamamahayag. Kapansin-pansing bilang lamang ang mga manunulat. Tulad ng dahilan ng halos gabi-gabi kong pagpupuyat bago ako magtapos noon, maraming pangalan ang paulit ulit na nakalimbang matapos ang pamagat--sa halos lahat ng pahina ay isa o dalawa lamang ang may-akda ng mga lathalain, balita o kahit ng sa editoryal. Nakakalungkot na gaya ng dati, kokonti lamang ang Clarian na may puso sa pagsusulat. At mula sa baul na pinagtataguan ko sa kasalukuyan, mabibilang ko sa mga daliri sa isang kamay ang mga ngalang pamilyar sa akin: maliban sa mga guro na nabanggit sa ilang artikulo, hindi lalagpas sa dalawa ang mga kakilala ko.
Nag-uumapaw rin ang magagandang balita. Maraming kompetisyon silang naipanalo; maraming okasyon ang matagumpay nilang naidaos. Walang dudang magagaling talaga ang mga tao mula sa paaralang pinanggalingan ko. J Kung kaya naman lalo akong nanghihinayang na walang kumuha ng UPCAT sa kanila. K
Pero sa kabuuan, nakakainggit talaga itong natapos nila. Pakiramdam ko wala kaming silbi ng mga ka-batch ko kumpara sa kanila. Kudos, Clarians!

*pasintabi sa mga gurong tagapagsanay at tagapayo, at sa mga manunulat noon at ngayon

6 comments:

  1. Hindi ka dapat manghinayang sa ating nagawa noong 3 taon, tayo ay puno ng sipag at tiyaga sa pagbuo ng pahayagan natin. Sa tingin ko ay iisa lamang ang guro na sumuporta sa atin kaya tayo nahirapan, hirap sa pondo, hirap sa artikulo, hirap sa pagsusulat ng magandang istoryang ipapahayag sa mga estudyante sa ating mumunting paaralan. Sa aking panananaw ang ating grupo ay matatag at yaan ang ating kalakasan.

    ReplyDelete
    Replies
    1. kung iisipin, mas marami pa rin tayong dapat nagawa. kulang lang tayo sa pagkakataon at kapos sa suporta. sa tingin ko, wala pa sa halahati ng dusang pinagdaanan natin ang mga naranasan nila.

      Delete
    2. tama ka dyan, tayo lang din ang gumagalaw ng mga panahong iyon, at kailangan din nating ayusin ang ating grades para sa pag pasok sa kolehiyo.

      Delete
  2. minadali nga lng yan e.... actually kung titignan... maraming pagkakamali sa mga pag ka baybay sa dyaryong KAMALAYAN =)





    jayvee sacare

    ReplyDelete
    Replies
    1. This comment has been removed by the author.

      Delete
    2. kami hindi nagmadali. pinaghandaan namin--lalo na ako--ang 'Clarian Quill' muna nung nasa unang taon ko pa lang sa paaralan. ginugol ko halos ang buong ikaapat na taon ko para iraos iyon. napakaswerte nyo.

      Delete