Wala
akong kamalay-malay na mayroon pa palang konsepto ng pamamahayag sa pinakamamahal kong paaralan [noong hayskul]
hanggang ngayon. Kahapon lang ako
nagkaroon ng mahaba-habang oras para tignan ang ilang piraso ng papel na inuwi
ng kapatid ko noong isang gabi: ang kanilang pahayagan. Hindi naman sa hinahamak
ko ang kasalukuyang henerasyon ng mga estudyante—lalo na ang pamahalaan ng
aking eskwelahan—nagulat lang talaga ako. Sa katunayan ay napahanga pa nila ako; ‘di ko
mapigilang makaramdam ng pagmamalaki para sa dyaryong ito.
Kung
kaya’t naiinis ako nang sobra. Nakakahiyang wala akong alam tungkol dito.
Naaasar ako sa sarili ko dahil ni hindi ko magawang magawi sa MCHS para
makibalita. Sa tuwing naiisipan ko kasing dumaan para mangumusta, ‘di ko na
lang itinutuloy sapagkat wala naman akong oras para magtagal—ayokong mabitin,
baka makasira lang ako ng araw ng iba. Ayoko mang isipin nilang
nagpapaimportante ako sa oras, pero ni wala nga akong panahong magsuklay. Ang ibang paraan naman ng pakikipag-ugnayan tulad
ng pagte-text at pagpe-facebook ay sobrang kinatatamaran ko.
Maniwala sila’t sa hindi, literal ko lang na pahingahan ang facebook kung hindi man ako
makikipag-ugnayan sa mga grupong may kinalaman sa akademyang kinabibilangan
ko.
Kaya
gayun na nga, nabigla ako at nakakita ako ng dyaryong mula at gawa sa hayskul
na pinanggalingan ko. Kung hindi ako nagkakamali, tatlong taon na noong huling
naging aktibo sa journalism ang MCHS.
Ako ang punong-patnugot nang mga panahong iyon. At nakakamangha ang mga
kaibahan ng mga bagay-bagay noon at ngayon. ‘Naka-broadsheet sila,’ unang kong nasabi. Naisip ko na maharil ay hindi
nila halos ikamatay ang paglilikom ng pondo tulad namin noon. Malamang ay mas
maraming sumoportang mga magulang at estudyante sa kanila. Nakikita ko ring mas
maigi silang nagabayan ng mga guro sa pagkakataon ito. Nakakainggit.
Ang
pinakahalatang kaibahan—subalit hindi ko agad napuna—ay ang wikang kanilang
ginamit. Sabihin mo ang lahat ng gusto mong sabihin ngunit bihirang-bihira
akong magbasa at magsulat ng kahit ano sa wikang Filipino. Sa katunayan,
magdadalwang oras ko nang sinusulat ito sa sobrang hirap pumili ng mga salitang
maari kong gamitin upang maisalaysay ko ang aking mga pananaw nang eksakto at
konkreto. Hindi ako hirap managalog; ‘di na lang talaga ako sanay rito sapagkat
mula nang magkolehiyo ako, lahat ng kursong kinukuha ko ay Ingles ang
pagpapanuto. At mabalik tayo sa usapan, Ingles ang dyaryong inilathala naming
noong panahon ko, ang Clarian Quill.
(Huwag na huwag kang maghahanap ng kopya niyon, madidismaya ka lamang sa aming
mga bumuo noon.) Hindi nga ako pamilyar sa mga batayan at istilo ng pagsusulat
sa wikang ito. Nakakapanibago rin ang pangkalahatang dibuho.
Ngunit
napapangiti pa rin ako habang sinusuri (pasensya na, hindi ko masyadong binasa)
ko ang bawat pahina. Napagtanto kong may mga problema talaga laging nakatali sa
bokasyon ng pamamahayag. Kapansin-pansing bilang lamang ang mga manunulat.
Tulad ng dahilan ng halos gabi-gabi kong pagpupuyat bago ako magtapos noon, maraming
pangalan ang paulit ulit na nakalimbang matapos ang pamagat--sa halos lahat ng pahina ay isa o dalawa lamang ang may-akda ng mga lathalain, balita o kahit ng sa editoryal. Nakakalungkot na
gaya ng dati, kokonti lamang ang Clarian na may puso sa pagsusulat. At mula sa
baul na pinagtataguan ko sa kasalukuyan, mabibilang ko sa mga daliri sa isang
kamay ang mga ngalang pamilyar sa akin: maliban sa mga guro na nabanggit sa
ilang artikulo, hindi lalagpas sa dalawa ang mga kakilala ko.
Nag-uumapaw
rin ang magagandang balita. Maraming kompetisyon silang naipanalo; maraming
okasyon ang matagumpay nilang naidaos. Walang dudang magagaling talaga ang mga
tao mula sa paaralang pinanggalingan ko. J Kung kaya naman lalo akong
nanghihinayang na walang kumuha ng UPCAT sa kanila. K
Pero
sa kabuuan, nakakainggit talaga itong natapos nila. Pakiramdam ko wala kaming
silbi ng mga ka-batch ko kumpara sa
kanila. Kudos, Clarians!
*pasintabi sa mga gurong tagapagsanay at tagapayo, at sa mga manunulat noon at ngayon
Hindi ka dapat manghinayang sa ating nagawa noong 3 taon, tayo ay puno ng sipag at tiyaga sa pagbuo ng pahayagan natin. Sa tingin ko ay iisa lamang ang guro na sumuporta sa atin kaya tayo nahirapan, hirap sa pondo, hirap sa artikulo, hirap sa pagsusulat ng magandang istoryang ipapahayag sa mga estudyante sa ating mumunting paaralan. Sa aking panananaw ang ating grupo ay matatag at yaan ang ating kalakasan.
ReplyDeletekung iisipin, mas marami pa rin tayong dapat nagawa. kulang lang tayo sa pagkakataon at kapos sa suporta. sa tingin ko, wala pa sa halahati ng dusang pinagdaanan natin ang mga naranasan nila.
Deletetama ka dyan, tayo lang din ang gumagalaw ng mga panahong iyon, at kailangan din nating ayusin ang ating grades para sa pag pasok sa kolehiyo.
Deleteminadali nga lng yan e.... actually kung titignan... maraming pagkakamali sa mga pag ka baybay sa dyaryong KAMALAYAN =)
ReplyDeletejayvee sacare
This comment has been removed by the author.
Deletekami hindi nagmadali. pinaghandaan namin--lalo na ako--ang 'Clarian Quill' muna nung nasa unang taon ko pa lang sa paaralan. ginugol ko halos ang buong ikaapat na taon ko para iraos iyon. napakaswerte nyo.
Delete